// you’re reading...

Filipino youth

Christmas Institute 2009 Kasado Na

Minsan pa, all roads lead to Bulacan Encumenical School, Malolos City sa taong ito para sa inaabangan at pinaghahandaang pagsasama-sama ng mga kabataan; ang Christmas Institute. Matapos ang bawat deliberasyon, pagsusuri at mga pag-uusap, kasado na nga ang naturang aktibidad na ito na gaganapin sa ika-26 hanggang ika-30 ng Disyembre ng taong ito.

Ang tema sa taong ito ay MULTIPLY na may thrusts na FaceGod at YesMaster. Maitituring na hinango ang mga naturang kataga sa iba’t ibang websites na alam ng bawat kabataan; ngunit ito ay ginamit upang maibahagi sa bawat kabataan ang kahalagahan ng pagtugon sa “calling” at ang pagsunod sa Panginoon, na siya naman pinakadahilan ng pagsasagawa ng Christmas Institute.

Pag-aawitan, pagbabahagian ng buhay at pananampalataya at pag-aaral ng Salita; yan ang mga nakalaan sa CI ngayong taon. Ngunit matapos nga ang halos isang taong paghahanda, inaasahang magiging umpisa na rin ito ng maraming pagbabago sa mga nakagawiang Christmas Institute sa mga nagdaang taon; bago at innovative sabi ng ilan. Isa na rito ay ang pagkakaroon ng Camp Director sa katauhan ni Kuya Fat Sta. Ana na siyang pangunahing nangangasiwa sa buong CI. Gayundin ay ang pagkakaroon ng sampung (10) task forces na siyang magiging abala sa iba’t ibang aspeto ng pagpaplano at pagsasagawa bago, habang at maging matapos ang CI tulad ng Research, Info and Registration, Education, Creative Arts, Finance, PAW, Food atbp.

Patuloy namang nagbibigay ng suporta ang mga nakatatanda nating kapatid sa iglesia at maging ng mga pastor at mga manggagawa sa naturang aktibidad na ito ng mga kabataan; at inaasahan na pagkatapos nito ay muling makakakitaan ng kasiglahan ang mga kabataan at maging buong distrito.

Bagaman nabawasan ng bilang ang mga inaasahang makakadalo sa CI dahil na rin sa pagbubuo ng isang pang distrito rito sa BulPAC na nangyari noong Hunyo, nakakintal pa rin sa isipan ng bawat nangangasiwa ng CI na ang patuloy na pagbabahagi ng buhay na kasama si Kristo ang siyang nananatiling dahilan upang sa kung anumang balakid ang dumating ay patuloy pa rin ang CI 2009.

Stand up SBD-UMYF! MULTIPLY for God’s glory!

Celebrating Life with Jesus

Sa panahong ito na nararanasan natin ang lamig ng panahon, inaalala ng buong sang-Kristiyanismo ang isang natatanging bagay, ang pagdatal ng ating Panginoong si Hesu-Kristo. Siya ang natatanging kaloob ng Diyos na sa pamamagitan ng Kanyang Buhay ay nananatiling masaya, may liwanag at puno ng sigla ang buong mundo.

Ngayong kapaskuhan, sa panahong ito ng Advent, ang buong distrito ay muling tutunghay sa isa sa mga napakahalagang bahagi ng ating pananampalataya, gabay ang temang “Celebrating Life with Jesus”. Tunay ngang napapanahon ang temang ito, dahil bagaman nasadlak ang ating bansa sa kalamidad na dala ng bagyo at baha, nararapat lamang na tayong patuloy na magalak, magsaya at taos-pusong magpasalamat sa Panginoon dahil siya’y nanatiling mapagmamahal at tumutugon sa bawat isang nananampalataya.

Nawa’y manatili ang kaligayahang nagmumula sa Panginoon, ngayon at maging sa araw-araw. Mula sa bawat isang bumubuo ng SOUTHVIEW, SBD-UMYF, C.I. Task Forces at maging ng SBD InfoComm Committee; isang mapagpalang pagdiriwang ng kapaskuhan at dakilang pag-asa sa darating na bagong taon.

Ang sulating ito ay galing sa SouthView, newsletter ng South Bulacan District UMYF. Salamat kay kapatid na Eric Guinto sa pagpapadala sa akin ng kanilang newsletter.

Discussion

No comments for “Christmas Institute 2009 Kasado Na”

Post a comment