Ni Ptr. Cristine C. Atreo
Grade 4 ako noon. Pauwi ako mula sa eskwelahan para kumain ng tanghalian. Pagdating sa bahay, nadatnan kong nag-aaway sina Tatay at Nanay. Lasing na lasing si Tatay at may hawak na samurai, isang mahabang espada.
Kitang-kita ko nang tinaga ni Tatay si Nanay, na tinamaan sa noo at kaliwang braso. Dahil sa takot na ako ang isunod ng aking ama, tumakbo ako palabas ng bahay at humingi ng saklolo para madala si Nanay sa ospital.
Nagtago ako sa bahay ng isang kamag-anak. Narinig ko na lang sa mga kwento na hinuli ng mga pulis si Tatay at ikinulong ng ilang araw.
Hindi ako nakakain ng ilang araw. Nabalot ang katauhan ko ng takot at sobrang galit sa ama.
Maraming pagmamaltrato ang naranasan ng aking ina. Pinagmamalupitan naman n’ya at pinagbubuhatan ng kamay kaming magkakapatid. Madalas, pagdating ng gabi, at lasing si Tatay, ginigising ko ang aking mga kapatid upang lumabas ng bahay at magtago sa mga damuhan at puno ng saging sa likod ng bahay para hindi kami masaktan.
Kahit ilang suntok at sampal ang maranasan ni Nanay, di niya pinagtatapat kung nasaan kaming magkakapatid. Pero dinig na dinig namin ang mga iyak at sigaw ni Nanay sa bawat tanggaping tama sa katawan.
Kapag tulog na si Tatay dahil sa kalasingan, saka lamang kami susunduin ni Nanay mula sa aming taguan.
Ramdam na ramdam ko ang galit ng aking dalawang kapatid sa aming ama. Gaganti raw sila kay Tatay paglaki nila. Hindi lang ako kumikibo. Marahil dahil puno rin ng galit ang puso ko.
“Martir ang Nanay n’yo,” sabi ng mga kapitbahay namin. Gayun din ang tingin namin. Ayaw umalis ni Nanay. Hindi raw niya hihiwalayan si Tatay kahit minamaltrato siya dahil ayaw niyang lumaki kaming hiwalay ang mga magulang. Kaya titiisin na lang daw niya ang lahat para sa aming apat na magkakapatid.
Natapos ang pagmamaltrato ni Tatay sa amin dahil sa isang pangyayari noong first year high school ako. Isang gabi, dumating si Tatay na lasing na lasing at galit na galit. Kinuha niya ang isang maliit na stainless knife sa bahay at pumunta sa bahay ng aking lolo, na tatay niya.
Dahil malapit lang ang bahay nina Lolo sa amin, dinig na dinig ko, pati ni Nanay, ang pag-aaway nila.
“Papatayin ko kayong lahat!” pagbabanta ni Tatay.
Matapos nito, katahimikan. Maya-maya, dumating ang tiyuhin ko sa bahay. Patay na raw si Tatay. Tinaga siya ni Lolo sa noo. Namatay daw dahil sa pagkaubos ng dugo.
Hindi ako umiyak o nalungkot. Ewan ko, pero tila lumuwag pa ang dibdib ko. Pakiramdam ko, lumaya ako mula sa isang matagal na pagkakabilanggo.
Pero nang nakita ko ang bangkay ni Tatay, nawala lahat ng galit ko at napalitan ito ng lungkot. Umiyak ako nang umiyak.
Mahirap mawalan ng haligi ng tahanan. Lalo kaming naghirap. Si Nanay at ako, bilang panganay, ang kumayod para sa buong pamilya. Naglabandera si Nanay at ako naman ay pumasok bilang katulong habang nag-aaral.
Kalaunan, namasukan si Nanay bilang katulong sa Maynila sa loob ng apat na taon. Tumulak din siya patungong Singapore upang mamasukan bilang domestic helper. Matapos ang walong buwan, bumalik siya sa Pilipinas. Noong 1998, sa Hongkong naman siya namasukan.
Ako naman ay naging working student mula high school hanggang makatapos ng kolehiyo.
Minsan, tinanong ko si Nanay: “Bakit mo tiniis ang lahat ng hirap. Bakit hindi mo hiniwalayan si Tatay?”
Ang sagot niya: “Kahit masira ang buhay ko, tatangapin ko, maging buo lang kayo.”
“Wow, brokenness for wholeness,” naisip ko.
“Battered wife” si Nanay, ngunit ginamit niya ang sariling lakas para malampasan ang krisis na ito sa buhay niya, sa buhay namin. Dahil sa pagmamahal niya sa amin, ito ang nagsilbing kalakasan niya sa kabila ng mga pangyayaring nagpahina sa kanya.
Nawasak ang buhay ni Nanay, ngunit nabuo mula rito ang magagandang pangarap, mga bagong pangitain at mabubuting hangarin. Lumikha ang Diyos ng bagong buhay mula sa isang kalagayang wasak — mas maganda kaysa sa dating kalagayan.
Salamat kay Nanay dahil sa mga pangaral niya.
“Piliin mo ang mga laman ng isda at itapon mo ang mga tinik nito,” aniya.
Ang lahat ay gusto kong itapon — pati laman ng aking mga kararanasan, dahil ang lahat ay basura. Ngunit may mga magaganda rin pala itong naitulong sa buhay namin.
Sabi ng isang libro: “Life is not all about you, it’s all about God.”
Sa tulong at biyaya ng Diyos, kaya nating lumikha ng mas magandang buhay kaysa sa dati mula sa mga pinakamasakit at pinakapangit na mga karanasan.










