Ptr. Mervyn Montano
Southern Tagalog Philippines Provisional Annual Conference East (STPPACE)
Pipigilan mo ba ang paglago? Wala naman sigurong gustong pumigil sa paglago. Pigilan man o kontrolin, ito’y pumipiglas. Lalo na kung may matinding nasain nito. Ang Laguna-Quezon Mission District ay sumuong sa iba’t ibang bagyo, muntik na itong mabuwag, ngunit pinili nitong magpatuloy at lumago. Ngayon ang mission district na ito ay naging provisional annual conference – naging Southern Tagalog Provisional Philippines Annual Conference East. At ito’y nagpapatuloy at pumipiglas.
Masasabing malabagyo ang kanyang mga hinarap bilang distrito. Ito’y may lawak na humigit-kumulang 100,000 ektarya. Napapalooban ng dalawang probinsya – ang Laguna at ang probinsya ng quezon. Mayroon lamang itong 25 simbahan. Ang tatlo, na nasa lguna, ang masasabing financially stable at kayang sumuporta ng iba. Tatlo rin sa Quezon ang nakakatayo sa sariling paa; ngunit di tulad ng tatlo sa Laguna. Karamihan ay mga maliliit na simbahan at depende pa sa distrito. Karamihan ng simbahan, lalo na sa Quezon, ay mga nasa pamayanang rural. Ang karamihan ng mga manggagawang pastor ay tumatanggap lamang ng P 3, 000 o mababa pa, kasama na ang district subsidy.
Nanganib ang estado ng LQMD na manatili bilang distrito. Dumating ang panahong natapos na ang palugit sa pagsusuporta ng kanyang mga inang distrito, ang Rizal at ang Quezon City. Ngunit sa kumperensya sa Angono (ang lugar kung saan ginanap ang kumperensyang nagsilang sa LQMD), humiling ang DS ng LQMD na ipagpatuloy pa ang suportang pinansyal sa distrito dahil sa kalalagayan nitong mababa pa ang antas ng pamumuhay at apektadong lubos ng pandaigdigang krisis.
Dahil napagkasunduang limang taon lang susuportahan, at mababawasan ng dalawampung porsyento kada taon, wala nang nakalaang budget para sa susunod na taon ayon sa tresurera ng kumperensya. Lumalabas pang dahil hindi na kayang ipagpatuloy ang distrito kung walang suporta, kailangan itong buwagin at ibalik sa kani-kanyang inang distrito – ang Laguna sa Rizal at ang Quezon sa Quezon City. Ngunit kung pag-iisipang mbuti ito. ano ang mangyayari sa mga simbahang ibabalik sa kani-kanilang inang iglesya kung wala din naman pagsuporta. Kung susuportahan naman ng kanyang inang distrito bakit pa kailangang buwagin ang distrito.
Nang pagbotohan kung ito’y ipagpapatuloy na may suportang pinansyal, animo’y karamihan ang against sa mosyon. Himala na pabor ang desisyon ng kumperensya na ito’y ipagpapatuloy. Maligaya ang mga manggagawang pastor at dyakonesa at mga layko, bagama’t may nalungkot dahil sa ipinakitang pagtingin ng ilan sa kumperensya sa kanila.
Parang si David na may dalang limang bato upang harapin ang higanteng si Goliath, dala ng LQMD sa sesyon ng PACE ang kahilingan ng LQMD Conference na may lakip na unanimous vote na gawin iyong provisional annual conference. Umulan ng maraming tanong, nagsusuri kung hindi man nanunuligsa. Lahat ay iisa ang nasa isipan: “Kaya ba?” Madali lang naman ito sagutin. “Kaya namin.” Ngunit lakip nito ang matinding panalangin. sakripisyo, pagtitiyaga, at masusing pag-aaral sa sitwasyon, na handang ipagkaloob ng mga bumubuo ng LQMD.
Makikitang laging matatag ang tindig ng DS ng LQMD, prinsipyado, at kinikilala ng mga kausap na lider ng kumperensya. Magduda man ang mga kasamahan sa PACE katulad ng pagdududa ng mga ISraelita sa panahon na sila’y patungo sa lupang pangako at sinasabi, “Magbalik na lang tayo sa Ehipto at sa pagkaalipin, mas masarap ang buhay natin duon,” iisa ang puso ng mga pastor, dyakonesa at mga layko ng LQMD – iisa ang kanilang puso para sa misyon, at iniaalay nila ang kanilang buhay para sa iglesya ng Panginoon at para sa Panginoon.
Pumipiglas kapag may matinding naisin, pumipiglas ang pananampalataya kapag nais magpatuloy at lumago.
Sa Jesus Reigns UMC ginanap ang kauna-unahang sesyon ng STPPACE – ang LQMD na naaprubahan bilang provisional annual conference. Matagumpay ang unang sesyon nito at nakapagtalaga ng bagong liderato. Buwan naman ng Hulyo isinagawa ang kauna-unahang District Conference ng mga bagong distrito nito – ang Laguna District at ang Quezon District, na pinangunahan ng dalawang bagong DS nitong sina Rev. Joel Capulong para sa Laguna at Rev. William Umipig para sa Quezon. Mga bagong mukha din ang nasa liderato ng mga distritong, na nagbigyan pagkakataon na makapaglingkod. Madali nang napupuntahan ngayon ng mga manggagawa at layko ang mga gawain dahil malapit na. Mas nabibigyan na ng pansin ang mga pangangailangan ng mga maliliit na simbahan sang-ayon sa konteksto ng mga ito.
Nakapagpasimula na ang STPPACE bilang provisional annual conference, at hindi pa natatapos ang mga bagyo nitong sinusuong; ngunit ang kanilang pananampalataya ay patuloy na pumipiglas.










