by Pastor Sonny San Pedro
Linggo-linggo o tuwing may pagtitipon sa simbahan ng San Bartolome, hindi nawawala ang isang pamilyar na aso sa simbahan at sa lugar, si tagpi, ang asong laging nakabuntot kay Nana Belen, walang lakad ang matanda na hindi siya nakasunod na tila anino ng matanda o di kaya naman ay tila isang anak-anakan na hindi mabubuhay kahit isang saglit na wala ang kaniyang nanay-nanayan na si Nana Belen, ang isa sa pinakakilalang matanda ng San Bartolome.
Halos walang taong hindi nakakakilala kay Nana Belan, sa kaniyang sariling kabanalan, sa negosyong pagpapautang at ang ka prangkahan nito na halos ikamatay ng kaniyang mga nabibiktima. Sa simbahan, si Nana Belen ay tila isang santang inosente sa kasalanan, tila ito may bilog sa tapat ng ulo kagaya ng sa mga anghel, mistula itong tupa sa kaamuan, kung makipag-usap sa Dios ay taimtim na taimtim, tila alalang alala sa isang bagay. Sa lansangan ay kaaway siya ng mga bata dahil lagi itong nakasinghal sa mga malilikot at maiingay na mga batang nagkakadkad lamang ng kanilang kalayaan, “Tsu, tsu, tsu, umakis kayo rito at sa iba kayo mamerwisyo, mga walang modo…” ang madalas niyang bati sa mga bata. Di naalala ni Nana Belen na ang pagtanggap sa mga bata ay pagtanggap din sa Kaharian ng Dios, ang sa kaniya ay dinidisiplina raw niya ang mga batang hindi dinidisiplina ng kanilang mga magulang.
Sa kaniyang bahay, siya ay isang prangka at madaling kausap, sapagkat panig lamang niya ang kailangang intindihin… “nakuh naman Kadyo, huwag mo nang pag-aralin yang anak mo dahil paglaki niyan ay matutulad lang din sa iyo na puro lupa ang kuko…” ito ang kaniyang paraan ng pangangaral sa kapwa. “Eh Nana Belen, babayaran naman namin kayo pagkaaning-pagkaani namin, at hindi po kami nagpunta rito para humngi ng payo sa inyo, gusto ko pong maiba ang buhay ng mga anak ko sa akin…” Paliwanag ng kausap na pobreng Kadyo, madalas ay umiirap lang ito at tumutulis ang nguso kung nababara ng mga taong pinakikialaman niya, “O siya, bahala ka, magkano ba ang kailangan mo? Wag na wag kayong sisira sa usapan ha, hindi lang kayo ang nangangailangan ng tulong marami akong tinutulungan…” ito ang paliwanag niya, para kunwari ay hindi siya nangmumukhang linta sa pagsipsip sa kinikita ng mga pobreng kapitnahay, sapagkat napakalaki niyang magpatubo. “O heto ang hinihiram mo…” “Eh Nana Belen, bakit kulang yata ito? Reklamo ng mang Kadyo, ” ano ka ba naman, kinuha ko na yung tubo sa unang buwan, mahirap na, baka makalimutan niyo. Umaalis na lang ng kakamot-kamot sa ulo ang mga katulad ni Mang Kadyo, walang magawa kundi pumatol sa patakaran ng matanda.
Sa ganoong sitwasyon tila si Tagpi lang ang walang nasasabi kay Nana Belen, siya ang piping saksi sa mga ginagawa ni nana Belen sa mga sa lahat ng dakong nagpupunta ito. Siya lamang ang nag-iisang tapat kay Nana Belen. Hindi nag laon, ang katawan ni Nana Belen ay kapansing-pansing bumabagsak ngunit lumalaki ang tiyan, mahigpit na ipinagbilin ng kaniyang doktor na gawin at bilhin ang mga gamot na makakatulong sa kaniyang karamdaman na hindi kumikirot, ngunit ang sabi ni nana Belen, ”pahinga lang ito, Diyaskeng doktor ito, kukuwartahan pa ako…” lumipas pa ang ilang araw, Si mang Kadyo ay handa nang tumupad sa kanilang napag-usapang petsa ni Nana Belen. ”Nana Belen tao po, si kadyo po ito, isasaoli ko na po yung nakuha ko…” Dati-rati ang mga salitang kagaya noon ay agad sinasagot ng Matanda ng sandali ayan na ako, mabuti naman at nadalaw ka, sa pagkakataong ito, walang ganoong tugon, wala ring tagpi na nauunang sumasalubong para maging hudyat na nakasunod na rin ang kaniyang mahal na amo. Sa pagtatako ni Mang Kadyo, ipinasya nitong umakyat sa bakod at sumilip sa bintana, nagtataka ang Kadyo dahil bakit maraming langaw na tila sa loob rin nakatira.
Pagsilip niya sa bintana, nakita niyang nakahiga si nana Belen, yakap-yakap ang aklat na listahan ng taong lumalapit sa kaniya tulad ni Mang Kadyo, ang ang aklat ng buhay, sa di kalayuang lamesita ay ang mga perang nakatali ng lastiko ayong sa halaga nito. Wala nang buhay ang matanda, iginupo siya ng sakit sa atay, nagsisimula na siyang uurin, kaya nilalangaw na rin siya. Hindi mahulaan ng mga tao kung ano ang eksaktong nangyari sa kaniya, sapagkat maging nag-iisa niyang kasamang si tagpi ay wala na, sa kusina ay nakahambalang ang mga kaserola at kalderong parang hinugasan sa pagkakasimot ng anomang makakaing nakadikit dito, ito marahil ang mga huling paraan ni tagpi para dugtungan ang kaniyang buhay…Ilang araw lang, may mga usapang si tagpi ay nakitang nagsisimba rin kasama ng kaniyang mga bagong amo, nangibang baryo si Tagpi.
Ang kabanalan ay hindi isang ritwal na kinakabisado at inuulit-ulit. Ayon kay Rev. Fr. John Wesley, walang ibang kabanalan kundi ang kabanalang panlipunan, kung saan ang paniniwala, pag-ibig at pananampalataya sa Dios ay ipinahahayag sa pamamagitan ng pag-aalay ng anomang paglilingkod na magagawa sa lipunan, na walang hindihintay at iniisip na kapalit. Ipinakita ni John Wesley sa kaniyang panahon ang kabalan sa pamamagitan ng pagbababa ng mayayamang simbahan sa kahirapan ng lipunan, sa mga aping manggagawa, mga ulila, mga balo, may sakit at mga dukha. Maraming tao ngayon na dinadaya ang kabanalan sapamamagitan ng di paggawa ng kasamaan, ngunit wala namang ginagawang kabutihan. Maraming mga tao ngayon na nasanay nang sabihin lamang ang gustong gawin at pagkatapos ay wala na, sana ang makasanayan nating sabihin ay ang ating mga nagawa na. Maingay na masyado ang mundo dahil sa dami ng mga nangangako, nambobola, kulang na kulang ang mundo ng totoong banal, mga taong Dios ang tingin sa kapwa upang mahalin sila at igalang, ang mundo sa totoo lang ay pinupuno ng mga Nana Belen na mapagbalat kayo, mukhang mabait ngunit di mabuti. Mukhang santo ngunit di naman banal. Napakaraming mga nagpapakilalang pilit na mga lingkod ng bayan pero hindi talaga nila kayang maging ganoon sapagkat hindi ito ang totoo nilang katauhan, sa halip mga demonyong nagdamit ng puti para makapanloko. Marami yan sa simbahan, sa pamahalaan, kailangan na silang lipulin sapagkat ang sangnilikha ay nanganganib na, ang pangarap ni Jesus na buhay na ganap at kasiya-siya para sa lahat ay hindi nila tinatrabaho, kanila itong sinosolo at ininatago. Ngunit may pag-asa pa tayo, darating ang araw, mabubulok din sila, mauubos din ang araw nila, lalangawin din sila, walang manghihinayang sa kanilang paglisan sapagkat wala silang napagpala.










