by Rev. Sonny T. San Pedro
Ang lobo ay isang tuso, salbahe at maloko na hayop. Sa maraming lugar gasgas na gasgas na ang lobo sa pagganap ng mga karakter na nabanggit. Sa kabilang banda, ang tagak ay hindi naman kasing sikat ng nauna, tinitignang patpatin, mahina at walang ka porma-pormang ibon. Minsan ang dalawang ito na magkasalungat ang katangian ay nagkaroon ng hindi malilimutang karanasan sa isa’t-isa. Nagsimula ito ng yayain ng lobo ang tagak sa isa di umanong espesyal na hapunan, kung saan ang lobo ay naghain ng isang payak na handa para sa kanilang dalawa. Hindi malaman ng tagak kung ano ang kaniyang mararamdaman, sapagkat tanggap nito sa sarili na hindi siya ma-appeal, na hindi siya agaw pansin. Pero dahil sa unang pagkakataon ay nakatanggap siya ng paanyaya, pumunta ito bilang pag-papaunlak.
Napakaganda ng lugar ng hapunan, pero laking gulat nito nang ihain na ng lobo ang ipinagmamalaki nitong handa, isang espesyal na sabaw. Ngunit mas nakakagulat ay ang paghandog ng lobo sa panauhin, dahil nakalagay ito sa isang malapad na plato. Panay ang pag-alok ng lobo sa tagak na humigop ng maraming sabaw dahil pinaghandaan talaga niya ang tagak. Pero sa ibang anggulo ay ngumingisi ang lobo dahil hirap na hirap ang tagak na lasahan ang sabaw, dahil sa mahaba niyang tuka ay napaka-imposibleng mahigop niya ang sabaw, samantalang ang lobo ay walang kahirap-hirap. Sa bawat hagod ng dila ng lobo ay nasisimot ang sabaw sa malapad na plato. Di nagtagal ay sumuko na rin ang tagak, talagang walang pag-asa ang bulong nito sa sarili, samantala ang lobo naman ay busog na. Nang malao’y nagpaalam na ang tagak, nagpasalamat pa rin sa lobo kahit alam niyang nahamak nanaman siya nito. Sabi ng lobo, “Hay salamat tagak, sana nasiyahan ka, ikaw lang ang ipinaghanda ko niyan eh…” ang maarte nitong tugon habang pigil na pigil sa mukha nito ang ngisi ng isang tuso, pilyo at maloko. Nakakailang hakbang pa lamang ang tagak palayo sa nakangising lobo ng bigla ito lumingon. “Sa susunod na araw ay kaarawan ko, gusto kitang anyayahan sa isang hapunan bilang aking panauhing pandangal,” ani ng tagak sa lobo. Nagtaka at nagulat ang lobo subalit sumagot din ito ng oo, ngunit di nag lao’y tumawa na nang tumawa ang lobo sa kalokohang ginawa niya.
Dumating na ang takdang araw, buong kayabangang nagpunta na ang lobo sa handaang pangkaarawan ng tagak. Puting-puti ang paligid, mangyari ay puro tagak ang panauhin. Nang masulyapan na ng tagak ang hambog na lobo, agad niya itong sinalubong at inanyayahan sa upuang pandangal. Medyo nakataas ang lugar ng lobo, katabi ang punong abala. Nagsalita ang tagak, “Mga kasama, ito ang ikinukuwento kong lobo, kailan lamang ay naging panauhin ako sa kaniyang tahanan. Dahil mahilig siya sa sabaw ito rin ang aking handa ngayon.” Medyo nahiya ang lobo at nagsimula na rin siyang kabahan. Nang ihandog na sa kanila ang sabaw, napamulagat ang lobo dahil hindi kasi ito nakalagay sa malapad na plato tulad ng ginawa niya kundi ito ay nakalagay sa isang bote na may mahabang leeg. Bagay na bagay ito sa mga mahahabang tuka ng mga tagak. Nang magsimula nang humigop ang mga tagak inalok na rin ang lobo ng katabi niyang tagak, at kahit anong lawit niya ng kaniyang dila di man lamang makadampi ang dulo ng dila niya sa sabaw. Hiyang-hiya nag lobo. Nang pauwi na siya sinabihan siya ng tagak, “Alam kong hindi ka nagdamdam.” Tumango lang ang lobo at umalis nang hiyang hiya.
Sa kuwentong ito, hindi lahat ng bagay ay naipapanalo ng malakas at ng tuso. May mga pagkakataong ang malakas at makapangyarihan ay labis na hihiyain ng mahihina. Sabi nga ni San Pablo, “Huwag mong akalaing nakatayo ka at baka ka mabuwal”. Ang buhay ay dapat makita natin na pana-panahon, ang mundo ay bilog, at ang kapalaran ay gulong. Kung ganito nating titignan ang buhay, magiging mabuti at mababa tayo sapagkat alam nating walang permanente. Ang kayamanan, kapangyarihan at kasikatan ay panandalian lang lahat, ang mapang-api ay may panahon din upang mawalan na ng kakayanang mang-api, at kung mamalasin pa ng husto ay baka siya naman ang aapihin kalaunan.
Maraming lobo sa ating lipunan, naghahari-harian, naniniwalang sila ay makapangyarihan kaya kung umasta ay parang kayang kaya ang lahat, minamaliit ang lahat. Pero sa totoo lang hindi man tayo makatapat ng tatalo sa atin, hindi naman natin kayang takasan ang kapangyarihan ng panahon. Sa kalauna’y mawawala rin. Ito sana ang matutunan ng mga mayayaman, sikat at may tungkulin sa lipunan at maging sa simbahan,.
Ang mga Eskimo ay may kakaibang paraan ng paghuli ng lobo. Ibinababad nila ang double bladed na kutsilyo sa dugo ng hayop, patutuyuin at muling ibababad, pagkatapos ay ibabaon ang tangkay nito habang ang talim ay nakalabas. Sensitibo ang ilong ng lobo sa dugo, at matapos nilang maamoy at matunton ang dugo sa patalim ay agad nila itong didilaan. Pagka nasimot na ang ipinahid na dugo, lalo pa silang magnanasa ng higit na dugo, at dahil taglamig, manhid ang kanilang dila at di nila namamalayang nasusugatan kada himod nila sa punyal. Sa ganoong pagkakataon ang dugo na kanilang labis na nagugustuhan dahil mainit-init at mukhang mas sariwa ay dugo ng kanilang hiwa-hiwang dila. Sa pagsikat ng araw, ang lobo ay matatagpuang nakabulagta at wala ng buhay.
Ganap ang aking pag-asa na ang mga lobo sa ating lipunan ay matitigil din sa kalokohan. Ang katakawan at kasakiman ay siguradong magdudulot ng kapahamakan kaninuman. Kayong mga lobo, magbulay-bulay kayo bago dumating ang panahong wala nang ibang natitira sa inyo maliban sa kasakiman at katakawan. Kayong mga tagak, huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Bilog ang mundo, pag-ikot nito tiyak na papabor din sa inyo ito.
image credit: andreassolberg via Flickr










